Linggo, Hulyo 12, 2009

Ang Pangmundong Kamao (The Greatest Fighter of the World That Ever Lived

 

Sa isang nayon ng General San
May batang isinilang ng mahirap na angkan
Siya’y lumaki sa kahirapan
Kapos na buhay kanyang kinalakhan.

Puhunan n’ya sa paglaki’y pangarap na tagumpay
Pilit siyang aahon sa hikahos na buhay
Ipaglalaban n’ya pangarap na inasam
Mithing ambisyon, ibig n’yang makamtan.

Batang si Manny di nawalan ng pag-asa
Mga ginusto’y pilit na kinukuha
Sa simula sa T.V. paekstra-ekstra
Dito ko siya nakilala, at pogi rin pala.

Interes ko na siya’y subaybayan
Sa foreign at local n’yang laban
Bawat suntok at siya’y tinatamaan
Dibdib ko ang siyang nasasaktan.

Bukambibig ko na sana sa lahat ng dako
Bata’t matanda hangang-hanga sa iyo
Mahirap-mayaman sa iyo’y saludo
Kakaiba ka sa lahat ng boksingero.

Dumating na sa puntong mabigat na ang ‘yong laban
Morales, Dela Hoya at wala raw talong si Ricky Hitman
Ngunit sa aking palagay at haka ng bayan
Wala silang panama sa aming “Pacman”

Morales, Dela Hoya aking inabangan
Buong mundo’y dito nakatunghay
Mga suntok nila’y kanyang nailagan
Ganti na kamao agad silang “knock down”

Malinis kang lumaro, busilak ang ‘yong puso
Pandaraya’y wala sa iyong loob
Kaya kaming lahat hanga sa iyo
Ikaw Manny ang no. one naming idolo.

Mula noon muli ko siyang tinutukan
Dumadaing ako kapag siya’y tinatamaan
Isa ako sa malakas sumigaw
Sige Manny huwag mong lubayan.

Kaya pala itong si Aling Dionisia
‘Di kailanman nanood ng laban niya
Sa harap ng altar, rosaryo’y tangan
Ipinagdarasal laban ng anak niya.

Dumating na ang Mayo’ng hinihintay
Ang match niya kay Ricky Hitman
Buong mundo’y dito nag-aabang
Na sana’y ikaw ang siyang magtagumpay.

Usap-usapan sa lahat ng dako
Ito raw si Ricky Hatton masyadong agresibo
Pagmamalaki’y siya raw ang mananalo
Kaya raw niyang patulugin ating boksingero.

Ngunit sa unang round pa nga lang
Katawan ni Hitman para ng gulay
Siya ba naman ang tinamaan
Ng kamaong sintigas ng bakal.

Ikalawang round, tapos na ang laban
Malakas na bigwas kanyang pinawalan
Bagsak si Hatton sa lona’y humandusay
Pagbubunyi kay Manny ‘di magkamayaw.

Panalo na naman, si Manny Pacquiao
Bandilang Pilipino’y kanyang winagayway
Ipinagmamalaki bansang kinalakhan
Uuwing pasalubong ay isang karangalan.

Ipagpatuloy mo iyong inumpisahan
Marami ka pang pagtatagumpayan
Nandiyan kaming iyong kababayan
Kasa-kasama mo hanggang laban.

Inspirasyon ka ng mga kabataan
Hinuhugot sa ‘yo ambisyon nila sa buhay
Walang inuusal kundi Many Pacman
Ikaw ay tala nila mula sa kalangitan.

And pagsikat mo’y parang bulalakaw
Bumubulusok mula sa kalawakan
Pagbagsak sa lupa’y liwanag ang taglay
Na siyang tatanglaw sa lupang hinirang.

Mabuhay ka Manny! Mabuhay ka Pacman!
Uwi mo sa bansa’y ‘di malilimutan
Huwaran ka ng ‘yong kababayan
Tapak mo’y ibig nilang tularan.

Pacman! Pacman! Sigaw ng masa
‘Di ka mabubura sa kaisipan nila
Balang-araw bantayog mo’y ihihilera
Sa mga bayaning kagitinga’y kinilala.

Sikat ka na sa buong mundo
Sana naman ‘di ka magbago
Lagi kang lilingon sa likuran mo
Tatanaw-tanawin pinanggalingan mo.

 

Note:
Manny anak, isa lang saltik, huwag lagi. Mata mo’y pikit, baka isang saglit may agibong dumikit, lahat ng ‘yong isinukbit, mauuwi lang sa titis.

For comments Bad or Good
Pls. call Mrs. Procesa “Nanay Ising” A. Servigon. Tel. No. 489-61-59. A Senior Citizen, born on October 19, 1943.

“Ang nag-isip at nagtiyaga na isulat ang kaunti niyang nalalaman tungkol sa ating World Champion Boxer na si Manny “Pacman” Pacquiao. Congratulations! Mabuhay!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento