Linggo, Hulyo 12, 2009

Sinner or Saint (Kayo Ang Humatol)

 

Dumadagundong, gumugulong, umuugong

Balita sa tindahan ni Mang Akong

Pati sa karinderya ni Aling Sion

Usisero’t usisera doo’y tipon-tipon.

 

Nakimiron ako’t nakinig sa usapan

Sex video pala tema ng kwentuhan

Bidang-bida sa kanilang huntahan

Ang sikat na sikat na sex video scandal.

 

Bata’t matanda, nagsama-sama

Habang nakikinig sa mga nagbibida

Mga tenga nila’y bukang-buka

‘Di nila alintana, lahat sila’y nakanganga.

 

Aba’y Basilio apo kong mahal

Umalis ka diyan sa kanilang umpukan

‘Di ka bagay sa ganyang huntahan

Pati si Crispin, akayin mo Amang.

 

Dr. Hayden at Katrina sa sex video sila ang bida

Dagdag pa rito mga kaibigan nila

Sila Bistek Rosario at ang negosyanteng si Erick Chua

 

Aba’y aba bakit nagkaganyan

Sila ang gumawa, kay daming nadamay

Sa camera luha ni Katrina’y walang humpay

Pati tuloy ako nakikisabay.

 

Walang tigil kislap ng camera

Maraming nagpapa-picture kasama si Katrina

Animo’y serye sa isang pelikula

Direktor na lang ang kulang at shooting na.

 

Balik tayo sa usaping sex video

Maraming tao naapektuhan nito

Ilang artista nasangkot dito

Pangalan nila’y balandra sa diyaryo.

 

Katrina, Hayden nang magkita sa Senado

Sa isa’t isa tila walang respeto

Sigaw ni baba “Isa kang manloloko,

Nagoyo mo ako, ang kapal mo?”

 

Sana naman kung gagawa ng milagro

Pakitago lang po ito sa publiko

‘Di lang kayo ang apektado

Pati batang nagtatanong tungkol dito.

 

Tulala ako at labis na nag-isip

Itong mga batang paslit

Nagkaroon na rin ng interes

Na mapanood video-ng, ang tema ay sex

 

Ipagtanggol si Katrina, sigaw ng Gabriela

Dapat kababaiha’y igalang nila

Ipaglaban kabarong binastos niya

Hanggang huling laban tayo’y susuporta.

 

Kampo ni Gabriel ‘di sila alintana

Pakagat-kagat lang sa kukong upod na

Sino? Sino nga ba ang may sala

‘Di ba, ‘di ba silang dalawa?

 

Simbahan nagugulumihanan na rin

Sa nangyayari sa paligid natin

Noo’y usapang krisis sa pagkain

Ngayo’y masarap na putahe ni Katrina at Hayden

 

Mambabatas nati’y abalang abala

Sa sex video ni Kho at Katrina

Pakiusap naman unahin nila

Paghihikahos ng maraming pamilya.

 

Nadumihan na naman ang palda ni Maria Clara

Kutod kaya ni ka Juan, nagkaroon din ng mantsa?

Paalala mga kabaro’t, kaalyansa

Huwag ng maulit ganitong eksena.

 

Dalawa lang ang uri ng tao

Isang manloloko at isang naloloko

Kung ‘di ka paloloko, ‘di ka maloloko

Nakakaloko talaga ano? O pare, mare saan kayo?

2 komento:

  1. natuwa po ako, may tindahan po dito na aling siony! hehe.

    seriously, these are the news then. siguro blessing in disguise na rin at dahil sa reklamo ni katrina mapapasa na ang batas para protektahan ang mga taong biktima ng sex video!

    galing! kudos po sa inyo lola ising!

    TumugonBurahin